Nagkaroon ng pagpupulong ang mga inhinyero at mga opisyal ng NGCP at nagdesisyong palitan ang nasirang transformer. Dahilan nito upang bilisan o “i-fast track “ ang pagbubuo ng isang transformer na may laking 300MVA upang tugunan ang kulang na kapasidad ng buong planta. Ito raw po ayon sa kanila (NGCP) ay tatagal ng humigit kumulang tatlo hanggang apat na araw.
Opisyal na ipinagbigay alam po ng NGCP ang mga bagay na ito sa pamunuan ng BATELEC II bandang alas 10:00 ng gabi noong araw na iyon at sinabing magtatagal ang brownout sa mga bayang nabanggit. Ngunit hindi pumayag an ating butihing GM Octave Mendoza na tuloy tuloy na maapektuhan lalu na ang lunsod ng Lipa, kayat ang pamunuan ay kaagad na nagtungo sa opisina ng NGCP Batangas upang pag-usapan ang mas mainam na pamamaraan sa kabila ng problemang hinaharap ng NGCP. Kung kaya ang naging desisyon at napagkasunduan na pansamantalang i-connect ang linya na papuntang San Jose at Lipa sa katabing transformer (T02-100MVA), ngunit ito
ay may limitasyon. Ito ay tatagal lamang hanggang sa panahong tuluyang matapos ang pagbubo ng kapalit na transformer.
LIMITASYON
Ang T02 ay may kapasidad na 100MVA, katulad lamang ng naunang transformer na nasira. Ayon sa NGCP, 65% o 65MVA lamang ang limitasyon na pwedeng kargahin ng T02 upang siya ay tumakbo nang maayos. Ang T02 ay may orihinal na load na umaabot na sa 65MVA tuwing peak hours.
Bunsod nito, kinakailangang magbawas ng load o karga sa tatlong linya na ikakabit sa T02, ito ay ang mga sumusunod:
Original Feeders
1. 56BS8 (Bats-Ibaan-Rosario) - 30.20 MW o MVA
2. 57BS8 ( Bats-Mabini-Cuenca) - 40.6 MW o MVA
Transfer Feeder
3. 53BS4 ( Bats-San Jose-Lipa) - 53.62 MW o MVA
Paalala:
Ito po ay batay sa aktwal na datos ng NGCP noong unang linggo ng Setyembre, 2013. Ang kabuuang 124.42 MW o MVA ay tinatawag na “Non-Coincident Peak Demand” o NCPD.
At dahil sa kundisyong binaggit, kinailangang gawin ng BATELEC II ang sumusunod na pamamaraan upang maserbisyuhan pa rin ang mga konsumedores sa kabila ng hinaharap na problema.
1. Pakiusapan ang mga malalaking customers( insdustrial) at establisyementong pangkomersiyo na huwag munang gumamit o di kaya ay magbawas ng paggamit ng kuryente sa loob ng panahong nabanggit.
2. Ipatupad ang schedule of ROTATING BROWNOUT sa mga apektadong linya at planta ng BATELEC II kung kinakailangan, upang hindi magdulot ng malawakang brownout o makaapekto sa kundisyon ng T02
May mga piling kawani at mga inhinyero ang BATELEC II na nakatutok sa lahat nang oras sa mga kaganapan sa mga planta at linya ng BATELEC II, sinisiguro nila na ang pagbabawas ng load ay sa mga pagkakataong kinakailanagan lamang.
-BATELEC II-